Nangholdap umano at bumaril sa call center agent sa Makati noong 2017, nadakip na!

Nadakip na ng mga awtoridad ang suspek sa paghoholdap at pagpatay sa isang babaeng call center agent sa labas ng inuupahang bahay ng biktima sa Makati noong Hulyo 2017. Nang madakip, may nakita pang listahan na hawak ang suspek.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing nadakip sa Oplan Sita ng Makati police ang 26-anyos na suspek na si Allein Hussein Sumudlayon, alias Bryan Berbera Malanyaon.
Si Sumudlayon ang sinasabing nakunan sa CCTV camera noong madaling araw ng July 4, 2017, na sakay ng motosiklo at nangholdap at pumatay sa call center agent na papasok na sana inuupahang bahay sa Barangay Palanan sa Makati.
Sa video footage, makikita na bumaba ng motorsiklo ang suspek at tinutukan ng baril ang 36-anyos na biktima para kunin ang bag.
Pero hindi binitawan ng biktima ang bag hanggang sa barilin siya ng salarin sa panga na kaagad niyang ikinamatay.
Idineklara ng Makati police si Sumudlayon na most wanted ng lungsod na nahaharap sa mga kasong robbery with homicide at rape.
“Ang impormasyon ay galing sa ground. The suspect was sighted before, and the information came from the barangay na ang suspek na ito malimit na makita sa area,” sabi ni Police Senior Superintendent Joel Pernito, Deputy District Director for Operations, PNP-SPD.
Hindi naman itinanggi ni Sumudlayon at idinahilan na kawalan ng trabaho ang nagtulak sa kaniya na pasukin ang ilegal na gawain.
“Aksidente lang po ang nangyari doon kasi inagaw niya po ‘yung baril,” sabi ni Sumudlayon.
Ayon kay P/Sr. Supt Gerardo Umayao, hepe ng Makati police, modus ni Sumudlayon na ikutan ang target at isasagawa ang krimen kapag nakakita ng pagkakataon na mag-isa na ang biktima.
“Once na makita ka niya na nagsosolo ka, that’s the time na bibirahin ka niya o hoholdapin ka. Once na pumalag ka, tiyak babarilin ka,” anang opisyal.
Nakita rin umano sa suspek ang piraso ng papel na may nakasulat na mga kalye sa Makati at may kasama pang oras.
Paniwala ni Umayao, listahan ito ng mga iniikutan ng suspek para holdapin ang kaniyang target.
“Hindi niya kasi alam ang pangalan [ng mga bibiktimahin], pero alam niyang doon bumababa ang target niya, so doon siya bumabalik at titiyempuhan niya ‘yon,” paliwanag ng opisyal.
Watch here!!!

Source: GMA News

Be the first to comment on "Nangholdap umano at bumaril sa call center agent sa Makati noong 2017, nadakip na!"

Leave a comment

Your email address will not be published.


*